Showing posts with label Movie Review. Show all posts
Showing posts with label Movie Review. Show all posts

Saturday, October 21, 2017

Pakinggan ang the Anthem of the Heart



Wala sa hinagap ko na paiiyakin ako ng pelikulang ito…tumagos sa puso ko at talagang tinamaan ako.



Sabi ng kapatid ko, musical daw ito pero hindi ko inasahan na maapektuhan ako nito. Naiyak ako. Tumulo pati uhog ko. Totoo. 


Siguro kaya ganoon ay dahil sa pakiramdam ko, ako si Naruse. Maraming gustong sabihin pero dahil naisip niyang maaring makasakit ang mga salitang kanyang sasabihin kaya mas pinili niya na manahimik at hindi magsalita. Hinayaan niyang makulong sa kaisipan na kapag nagsalita siya ay sasakit ang tiyan niya dahil sa binuo niyang imaginary egg na sinabi niyang sumumpa sa kanya.

Para bang babalik ka sa panahong nag-aaral ng high school at ang mga pagkakataon na tinatanong tayo ng ating mga magulang ngunit hindi natin maisatinig ang mga gusto nating sabihin…hanggang sa hindi nila maintindihan kung bakit hindi tayo nagsasalita. Hanggang sa magagalit sila at tayo naman ay makakaramdam ng takot o kaya galit dahil hindi natin masabi ang gusto natin.

Tila masaya ang simula ng kuwento pero agad din itong nagbago dahil na rin sa mga tila ba siya ang sinisi ng kanyang nanay sa nangyari sa kanyang pamilya. Isa itong pelikula na nagpapakita ng mga pinagdaraanan ng mga anak na mula sa broken family. Ipinakikita ang kanilang paraan ng pag-iisip. Ang kanilang saloobin.

Ako bilang magulang at isa ring anak ay naka-relate.

Bilang magulang, bigla kong naisip kung pinakikinggan ko ba ang aking anak. Nalalaman ko ba ang saloobin niya o baka naman ako lang ang salita nang salita at hindi naghihintay ng sagot mula sa kanya.

Bilang anak, naramdaman ko ang hirap ng damdamin na hindi mapakinggan. 



Nabigyang pansin din ang nagbibigay kulay sa buhay ng mga mag-aaral ang pagkakaroon ng crush o hinahangaan na maaring makaapekto sa ating pagkatao ngunit maaring maging dahilan ng ating pagbabago. Katulad ng pagkakaroon ng pagtingin ni Naruse Jun kay Sakagami Takumi na naging dahilan upang magawa niya ang mga gusto niya.


Naipakita rin ang naidulot ng pinagawang proyekto ng kanilang guro na si Kazuki joshima na nagtalaga sa kanila kasama si Natsuki Nito at Tasaki Daiki na manguna sa Charity Committee. Siya ang naging daan upang parehong mailabas ni Naruse at Sakagami ang kanilang mga saloobin na matagal na nilang itinatago.

Isa sa mga bahagi na labis ang tulo ng aking luha ay ang pag-awit ni Naruse sa huling bahagi. Nasapul ako. Ang husay lang ng pagkakabuo ng kuwento… ng mga awitin na mula sa mga nararamdaman ng mga pangunahing tauhan.

Masasabi kong simple lamang ang mga pangyayari sa pelikula ngunit tiyak na tatapikin nito ang ating emosyon lalo na kung makaka-relate ka sa mga tauhan lalong-lalo na kay Naruse Jun.

Mula ito sa produksyon ng A-1 Pictures sa direksyon ni Tatsuyuki Nagai at isinulat ni Mari Okada. (*^_^)

Pahabol: May live action na rin ito at narito ang trailer.


Photo Credit:
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/en/e/e4/The_Anthem_of_the_Heart_poster.jpeg
ScreenCap 

Monday, March 18, 2013

Suddenly it's magic - review


Sabi ko noon sa post ko... gusto ko itong panoorin sa big screen at ang unang dahilan ay si Mario Maurer. Pero dahil may nabasa akong review ng film na ito... medyo nadismaya ako kaya ibang film ang pinanood namin sa sinehan.

Usual, pinahiram ako ng kapatid ko ng dvd at nagkaroon ako ng chance para ito panoorin. So, ano bang masasabi ko sa pelikulang ito?

Umikot ang kuwento sa isang Thai super star na si Marcus Hanson (Mario Maurer) at sa isang tagagawa ng magagandang wedding cake na si Joey Hermosa (Erich Gonzales). Pareho lang ang kanilang pinagdaanan, nalaman ni Marcus na may iba nang mahal ang on-screen partner at real-life girlfriend niya na si Sririta Taylor (Baifern Pimchanok) habang si Joey naman ay hindi sinipot sa kanyang wedding day.



Nagkita silang dalawa nang maisipan ni Marcus na magbakasyon sa Pilipinas para matakasan ang media sa Thailand at naging destinasyon niya ang Ilocos kung saan doon niya nakilala si Joey. Sa loob ng maikling panahon ay nagkaroon sila ng feelings sa isa't isa at naging sila.

Sa pagbabalik ni Marcus sa Thailand inanyayahan niya si Joey na sumama sa kanya. Sa una nag-alangan si Joey pero sumunod din siya. Hindi matanggap ng mga fans at ng nanay ni Marcus ang kanilang relasyon hanggang sa nagpasya si Joey na bumalik na lang sa Pilipinas at hayaan si Marcus na tuparin ang kanyang mga pangarap lalo na ang makapasok sa Hollywood.



Maganda ang simula, nakaka-intriga at may halong kilig lalo na ng pumasok sa eksena si Mario Maurer at halikan si Baifern. Naging maganda rin ang mga unang eksena ni Mario at Erich ngunit naging mabilis ang mga pangyayari dahil naging sila agad sa maikling panahon. Hindi masyadong realistic at parang masyadong co-incident ang mga pangyayari.

Sa isang banda, naipakita ang kagandahan ng Hilagang bahagi ng Pilipinas gayundin ang ilang mga magandang lugar sa Thailand maging ang kultura ng dalawang bansa ay litaw din sa mga eksena.

Nakakatuwa na maraming eksena si Baifern na inakala ko sa mga unang trailer na extra lamang siya pero siya pala ang ex-gf ni Mario doon. Hindi ko naman masyadong like si Erich pero maganda naman ang pagkakaganap niya sa katauhan ni Joey.

Masasabi kong okay naman pala ang buong pelikula...masyado lang siguro akong nadala ng nabasang kong review to the point na hindi ko na binalak pang panoorin ito sa sinehan. Sa kabuuan, nagustuhan ko  ito pero medyo eksaherada ang mga kissing part nila Mario at Erich. Para kasi sa akin maganda 'yung kikiligin ang manonood kahit walang kiss pero siguro mas lamang ang may gusto ng ganoon.

http://reynthology.blogspot.com/2012/09/suddenly-its-magic-behind-scene-photos.html
Ito ay sa direksyon ni Rory Quintos at isinulat nina Enrico Santos at Vanessa Valdez. It was distributed by Star Cinema. October 31, 2012 pa ito naipalabas dito sa atin. (*^_^)

Friday, January 11, 2013

Time out for In Time


 
"Time is gold."

Kasabihan na madalas isagot sa tanong na 'Anong motto mo?' Pero kung minsan hindi naman natin pinahahalagahan ang ibig sabihin nito. Siguro mag-iiba ang pagtingin n'yo sa kasabihang ito kung mapapanood ninyo ang pelikulang In Time.


Umikot ang pelikulang ito sa buhay ni Will Salas (Justin Timberlake) kung saan ang mga tao ay bumibili ng oras para mabuhay. Nasa future ang setting, year 2169. Panahon kung saan humihinto ang pagtanda ng mga tao kapag sila ay umedad ng 25 at nagsisimulang umandar ang kanilang oras na makikita sa kanilang braso. Kapag umabot sa zero ang kanilang oras sila ay mamamatay. 


Si Will Salas kasama ang kanyang ina na si Rachel Salas (Olivia Wilde) ay nagtratrabaho para madagdagan ang kanilang oras. Ito rin kasi ang pambayad sa pagsakay ng bus, pagbili ng pagkain at marami pang iba. Sa madaling salita ang oras sa kanilang braso ang nagsisilbi nilang pera. Sa Dayton sila nakatira kung saan ang mga tao ay nagtratrabaho para mabuhay pa sa susunod na araw. Samantala sa New Greenwich, lugar kung saan doon nakatira ang mga mayayaman sa oras ay nagkakaroon ng pagkakatong mabuhay ng mas matagal.


Nagbago ang takbo ng buhay ni Will nang makilala niya si Henry Hamilton (Matt Bomer) na mula sa New Greenwich at nakikihalubilo sa isang bar sa Dayton. Tinulungan niya itong makatakas sa mga nais kumuha ng kanyang oras pero sinabi nito na gusto na niyang mamatay. 

Sinagot naman ito ni Will na kung siya lang ay may ganoon karaming oras hindi n'ya ito aaksayahin pero wala siyang balak na nakawin ang oras ni Henry. Habang siya ay natutulog inilipat ni Henry ang kanyang 116 years at nagtira lamang ng limang minuto para makarating sa tulay at doon ay nagsuicide. Nag-iwan ito ng mensahe na ‘don’t waste my time.’

Sasagipin sana ito ni  Will ngunit nahulog na ito bago pa man niya marating ang tulay. Kinagabihan ay magkikita sila ng kanyang ina ngunit dahil sa ilang minuto na lang ang oras nito ito ay namatay bago pa man niya mabigyan ng oras.

Nagpasya siyang pumunta sa New Greenwich at doon ay nakilala niya si Phillipe Weis (Vincent Kartheiser) na natalo niya sa poker. Nakilala n'ya rin ang anak nito si Sylvia (Amanda Seyfried) at naanyayahan siya sa kasiyahang gagawin sa kanilang bahay. Ngunit sa gitna ng kasiyahan dumating ang mga pulis o mga Timekeeper sa pangunguna ni Timekeeper Raymond Leon (Cillian Murhpy).

Binawi nito ang oras na inakala nilang ninakaw ni Will at binigyan lamang siya ng dalawang oras ngunit nakatakas si Will at ginawa niyang bihag si Sylvia. Bumalik sila sa Dayton, humingi si Will ng ramson ngunit hindi nagbayad ang mga magulang ni Sylvia kaya’t nagdesisyon ito na pauwiin na ang babae.


Aarestuhin sana ni Timekeeper Leon si Will ngunit nabaril ito ni Sylvia sa balikat at nagpasya itong sumama na kay Will at tumulong sa mga mahihirap. Nagnanakaw sila ng mga oras at binibigay nila sa mga mahihirap.

Sa kabuuan, nais nitong bigyan diin ang kahalagahan ng oras sa buhay ng tao gayundin ang katayuan sa buhay ng mga tao. Ipinakita dito ang nagagawa ng kayamanan kung saan binibigyan tayo bilang mga manonood ng kaisipan na ang mga mayayaman lalong yumayaman habang marami ang namamatay sa kahirapan.

Maganda naman ang kabuuan ng pelikula, maayos namang nagampanan ng mga artista ang kanilang mga role. Maganda rin naman ang pinapaksa nito ngunit hindi ko masyadong nagustuhan ang katapusan . Parang nakakabitin pero nagbibigay ito ng realization na kailangan nating pahalagahan ang oras na meron tayo sa ngayon.

Ito sa mula sa panulat at direksyon ni Andrew Niccol at dinistribute ng 20th Century Fox at ni-release noong 2011.

(*^_^)



Monday, November 5, 2012

3 Idiots, care to be one?



Nagdalawang isip ako na panoorin ang 3 Idiots kahit marami ang nagsasabi na maganda raw ito. Kaya naman pinanood ko na rin kahit may doubt sa isip ko. Una, ini-expect ko na parang bastos ang ilang eksena...pero maling-mali pala ako.

Taong 2009 ng ma-release ang  3 Idiots sa India pero early this year ko lang ito napanood sa pag-aakalang hindi ito maganda. Hindi ko rin kasi masyadong type ang mga Indian films pero nabago ng palabas na ito ang aking pananaw.


Umikot ang pelikula sa tatlong magkakaibigan na si Farhan Qureshi (R. Madhavan), Raju Rastogi (Sharman Joshi) at Ranchhoddas ''Racho''  Shamaldas Chhanchad (Aamir Khan). Si Farhan ang nagkukuwento sa pelikula tungkol sa nangyari sa kanilang magkakaibigan noong unang taon nila sa Imperial College of Engineering (ICE) kung saan sila ang magkakasama sa isang silid hanggang sa huling taon nila sa ICE.

Gusto ni Farhan ang wildlife photography ngunit sinunod niya ang kagustuhan ng kanyang magulang kung kaya't napilitan siyang pumasok sa ICE. Maiangat ang pamilya sa kahirapan, ito naman ang dahilan ni Raju habang pagmamahal sa mga machines ang simpleng dahilan ni Rancho.



Ngunit hindi naging simple ang kanilang pamamalagi sa kolehiyo dahil sa College Dean na si Professor Viru 'Virus' Sahastrabuddhe (Boman Irani) samahan pa ng kanyang paboritong students na si Chatur 'Silencer' Ramalingan (Omi Vaidya) na mahilig magsaulo ng kanilang mga pinag-aaralan.


Madalas na mapalabas ng classroom  si Racho dahil sa hindi matanggap ng ilang mga professor ang mga dahilan at pananaw niya sa pag-aaral ngunit kahit ganoon siya pa rin ang nangunguna sa mga pagsusulit at sa ranking. 

Sa araw ng kanilang graduation, hindi na nila nakita si  Rancho. Lumipas ang 10 taon na walang balita si Farhan at Raju hanggang sa sila ay tawagan ni Chatur. Gusto nitong ipakita sa kanilang magkakaibigan kung gaano na siya kaunlad but end up loser dahil ang hinahanap niya na sikat na scientist na si Phunsukh Wangdu ay walang iba kundi si Rancho.


Nakadagdag ganda rin ang karakter ni Pia (Kareena Kapoor) na anak ni Prof. Viru na love interest ni Racho at ang kapatid nitong si Mona (Mona Singh).


I never thought na magugustuhan ko ang pelikulang ito... at uulit-ulitin ko na panoorin mula simula hanggang wakas na hindi nababagot.

Maraming mga aral ang makukuha sa palabas na ito lalo na kung nag-aaral pa lang ang manonood. Entertaining at the same time it will open your mind to so many things. Pinatawa at pinaiyak ako ng  palabas na ito at in-uplift ang spirits ko sa huli. 

After watching this movie, pakiramdam ko magiging isa akong idiot kung di ko pinanood ang pelikulang ito. haha :))

I really love this movie at bagay na bagay itong ipapanood sa mga kabataan para pahalagahan nila ang kanilang pag-aaral. (*^_^)


Credits:

http://www.thenational.ae/deployedfiles/Assets/Richmedia/Image/SaxoPress/AD20120522956876-A_scene_from_th.jpg

http://www.isysportal.com/images/photoalbum/photoalbum23/Isys-HotMasala2-chatur%203%20idiots%20speech%20scene451.jpg

http://mimg.sulekha.com/hindi/3-idiots/stills/3-idiots-new-stills-09.jpg

http://www.bollyupdates.com/wp-content/uploads/2009/10/kareena-3-idiots-posters-bollyupdatescom-01.jpg


http://www.talkmovie.net/wp-content/uploads/2011/02/3-idiots6.jpg


Thursday, August 9, 2012

Wanting to Suck Seed




The poster caught my attention and because I love music I find myself searching youtube for this film. Masuwerte namang natagpuan ko ito at napanood ng buong-buo. 



Nagsimula ito noong bata pa si Ped na nagkaroon ng paghanga kay Ern. Ito kasi ang nagpakilala sa kanya ng rock music. Pinahiram siya nito ng cassette tape kung saan naka-record ang mga ganoong genre ng kanta. Sinubukan niya itong kantahin gamit ang gitarang hiniram sa matalik niyang kaibigan na si Khung at ni-record ang pagkanta niya. Binalak niyang ibigay it okay Ern kaya lang hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maibigay ito hanggang makaalis na ito papuntang Bangkok.


Hayskul na sila nang bumalik at magkita ulit ni Ern. Nanumbalik ulit ang paghanga niya dito. Samantala, ang kanyang bespren na si Khung ay nagplanong bumuo ng isang banda para kalabanin ang grupo ng kakambal niyang si Kae at para mapansin ng mga girls.

Khung
Ped
Ex
Ern
Si Khung (Pachara Chirathivat) ang vocalist, si Ped (Jirayu La-ongmanee) ang bass guitar at si Ex (Thawat Pornrattanaprasert) ang drummer. Sa huli, nakasama sa kanila si Ern (Nattasha Nauljam) na mahusay palang maggitara.  Sa kagustuhan ni Khung na maipakita sa kakambal niyang si Kae na magtatagumpay sila, ibinalita niya na sasali sila sa Hot Wave Music Awards, isa itong sikat at kilalang band competition sa Thailand.


Lagi silang magkakasama bilang isang grupo at dahil dito sinabi ni Khung kay Ped na may gusto siya kay Ern. At dito pumasok ang conflict sa pagitan ni Ped at Khung. Habang si Ern naman ay may gusto rin kay Ped.


Isa na naman itong Thai Film na talaga naman bumuhay sa alaala ng aking kabataan. Parang ipapaalala nito ang isang bahagi ng buhay mo noong kabataan kung saan naghahanap tayo ng mga taong tatanggap sa atin, magkakaroon ng mga crushes at first love at higit sa lahat pagkakaroon ng kagustuhang maabot ang pangarap para may mapatunayan.

Nakakatuwa ang kabuuan ng pelikula at ang mga artistang gumanap. Mas naging maganda pa ito dahil hinaluan ng mga musika ng mga sikat na banda at kahit pa nga iba ang salita nila, ang ganda ng melody at meaning ng mga kanta na ini-relate sa mga eksena ng bawat tauhan.


Ang title din ng pelikulang ito eh, nakaka-intriga… Suck Seed (Succeed). Si Khung ang nakaisip ng pangalan na ito ng kanilang banda. Ito ang panahon na nabusted siya ni Ern at si Ex naman ay ipinagpalit ng gusto niyang babae sa isang tibo. Habang si Ped ay nasa gitna ng pag-iisip kung sino ang pipiliin ang kaibigan o si Ern.


Ang simple ng story pero madadala ka ng mga eksena sa mga tawanan at maging sa mga medyo malungkot na part. Well, naiyak din ako sa movie na ito. Para kasing magkakaroon ng flashback sa memory mo ang high school life.

Bagay na bagay ito sa mga kabataan, sa mga isip bata, mahilig sa music at sa mga gustong makapanood ng kakaibang kuwento ng pagkakaibigan. Isa itong panalong sound trip!

Hindi ito mabubuo kung wala si Director Chayanop Boonprakob na siya ring utak ng buong pelikula. Ipinalabas ito noong nakaraang taon (March 17, 2011). Sa laki ng kinita ng pelikulang ito, patunay lang na maganda ang story. (*^_^)

Pahabol ... eto ang Trailer


eto ang may trailer na may subtitle... enjoy!



Friday, April 29, 2011

Say, Hello Stranger!


Have you ever fall in love with a stranger? If yes, siguro ay makakarelate ka sa kuwento ng Hello Stranger, isang Thai film na kinunan ang halos 90% ng movie sa bansang Korea.

I have this eagerness to know film from Thailand because it gives me different taste and Hello Stranger is another great movie I’ve watched. It was released last year 2010 and directed by Banjong Pisanthanakun (siya rin ang director ng Shutter at Alone).

Attracted na ako sa trailer pa lang ng movie na ito at talagang inabangan ko sa youtube…(sa youtube ko lang pinanood dahil hindi naman maipapalabas dito sa atin L).

Tungkol ito sa isang lalaki’t babae na nagpunta sa bansang Korea at doon nagkita at nagkasama sa isang masayang adventure na gusto nilang gawin.

Heartbroken si Lalaki dahil supposed to be kasama niya ang GF niya sa tour pero bigo dahil sa nabalitaan niyang magpapakasal na ito sa iba habang si Babae naman ay nagsinungaling sa kanyang BF na kasama niya ang kanyang bestfriend but later on ay nalaman nito at sila’y nagbreak.

Dahil sa walang kakilala si Lalaki at hindi siya familiar sa lugar kaya bumuntot siya sa babae at nagshare sila ng mga gusto nilang mga gawin at ng kanilang lovelife. And later on, sa kanilang pagbalik sa Thailand ay saka lang nila nalaman ang kanilang mga nararamdaman para sa isa’t isa.

Nakakatuwa ang kabuuang ng pelikula mula sa umpisa hanggang sa katapusan nito. Nandoon ang thrill at excitement kung magkakatuluyan ba sila o hindi…maging ang tunay na pangalan ng mga character ay kaabang-abang ngunit sawi ang manonood na malaman ang real name ng mga bida.

They have this saying “It’s nice not knowing you!” Sabi kasi ng babae mas maganda na hindi nila alam kung anong tunay nilang mga pangalan para di complicated…para kung sakaling nakakahiya ang gawin nila ay hindi nila maipagsasabi sa iba. Kaya gumawa sila ng tawagan ‘Dang’ si lalaki na ginampanan ni Chanthavit Dhanasevi na siya ring bida sa Coming Soon a horror film at ‘May’ naman si babae na ginampanan naman ni Nuengthida Sophon.

Magaling ang naging pag-arte nila at ramdam ko ‘yung enjoyment nilang dalawa habang nilalakbay ang kabuuan ng bansang Korea lalo na ang mga lugar kung saan nag-shoot ng mga Koreanobela.

Nakakatuwa ang part kung saan natulog sila sa isang hotel at naglokohan sila about their lovelife. Kahit ako nakaramdam ng kaba dahil seryoso, iyon naman pala ay isang malaking joke!

Isa sa mga magandang eksena ang ginawa ni Dang para kay May ay isang date kay Bae Yong Joon dahil sa idol niya ito…but wait…noong una akala ko talaga si Yong Joon...  iyon pala..kamukha lang! At ang isa ay nung nasa may skiing sila…gusto ng babae na makakita ng snow at kung nandun na siya ay maghuhubad siya ng naked at si lalaki naman ay kakain ng snow dahil gusto niyang malaman ang lasa nito. It was really funny and sweet!  

Kakabitin nga lang ang katapusan dahil sa hindi malaman kung nagkita ba talaga sila pagbalik sa Thailand dahil sa favorite radio program lang nalaman ng babae na hindi pala natuloy ang pagpapakasal ni Dang sa GF niya at siya pala ang talagang mahal nito. Hanggang sa huli stranger pa rin ang mga bida sa mga manonood dahil sa hindi man lang nalaman ang real name ng dalawa.

It’s a feel good movie…you'll laugh and cry then you’ll fall in love! (*^_^)











Monday, March 28, 2011

Catch Me, I'm In Love

‘True love waits.’

Ito ang sinabi ni Roan Sanchez of Caloocan City na ginampanan ni Sarah Geronimo sa kanyang bagong pelikulang may pamagat na Catch Me…I’m In Love. Kapareha niya sa unang pagkakataon si Gerald Anderson bilang si Erick Rodriguez na anak ng presidente ng bansa. Hatid ito ng Star Cinema at Viva Films sa direksyon ni Mae Cruz.


Simple lang ang takbo ng story tulad ng ibang romantic comedy. Sinimulan sa panaginip kung saan nakita ni Roan ang isang nakatalikod na lalaki. Pipilitin niyang malapitan ito sa dami ng mga taong naglalabas pasok upang makita ang mukha nito subalit mabibigo dahil magigising siya.

Nag-iisang babae sa magkakapatid kaya’t madalas ay pinag-aasar siya ng kanyang mga kuya dahil sa hindi pa ito nagkakaroon ng boyfriend. Maging ang kanyang mga kasamahan sa trabaho ay naiinip sa paghihintay. Sa isang event na in-organized ng Helping Hands a non-profit organization kung saan isa siya sa social worker, nakilala niya si Erick. Hindi sinasadyang nakapagbigay ng comment si Roan habang nagbibigay ng speech si Erick.

Dahil sa insidenteng naganap ipinatawag siya ng presidente na ginampanan ni Christopher De Leon na inakala niyang nagalit subalit kabaligtaran ang nangyari. Pinasama nito sa immersion si Erick at si Roan ang mag-eevaluate sa performance nito.

Sa unang part ng pelikula puno ng mga nakakatuwa at nakakakilig na eksena. Halos lahat ng manonood ay napapahagikgik o kaya nama’y matatawa ng malakas o kaya nama’y kilig na kilig sa mga eksena na magkasama ang dalawang bida.


Sa bandang gitna nagkaroon ng problema kung saan sila na at dahil sa anak ng presidente si Erick nagkaroon ng insecurities si Roan habang si Erick naman ay ginagawa ang lahat at walang pakialam sa sinasabi ng ibang tao.

Walang love triangle sa story although nandoon si Matteo Guidicelli na may lihim na pagtingin kay Roan. Tumakbo ang istorya sa mga isyung pansarili ni Roan kung dapat pa ba niyang ituloy ang kanilang relasyon o hindi na samantalang si Erick problema sa pagitan ng kanyang ama ang isyu.

Kumpara sa ibang pelikulang Pinoy, mas mabilis ang mga pangyayari sa loob ng pelikulang ito pero maganda ang kabuuan. It will remind you of how you fall in love for the first time. Feelings na masarap maramdaman…habang kasama ang nagpatibok ng iyong puso.


Mahusay ang pagganap ni Sarah Geronimo at natural ganoon din naman si Gerald Anderson. May chemistry silang dalawa na kaya nilang pakiligin ang mga manonood. Noong una may mga nagsasabi na parang di naman sila bagay ngunit habang nanonood ay imposibleng hindi ka kiligin.

It’s a nice movie…masarap sa pakiramdam habang lumalabas ng sinehan dahil maganda at masaya. Isa rin sa maganda sa mga pellikula ni Sarah ay wala gaanong kissing scene na kung minsan ay nakaka-umay na.

Graded B ito ng Cinema Evaluation Board kaya’t pwedeng pambuong pamilya. 





Pahabol.... posible kaya na magkaroon ng part 2...wish ko lang!