Monday, February 21, 2011

Speedy Scandal

Marami na akong napanood na movie na madalas ang bida ay si Cha Tae-hyun at isa na na dito ang Speedy Scandal kung saan isa siyang lolo sa edad na 36. Syempre, nakakatawa pero sa bandang huli may konting kurot sa puso.

It was released in December 2008 and directed by Kang Hyeong-cheol distributed by Lotte Entertainment. Kasama  si Park Bo-young dito na gumanap bilang si Hwang Jeong-Nam na anak ni Cha na gumanap bilang si Nam Hyeon-soo.

Isang Disk Jockey sa isang radio station si Nam Hyeon-soo na dating Teen Idol. Sa kanyang radio program madalas tumawag o kaya ay magpadala ng message ang mga listener niya tungkol sa paghingi ng payo at isa sa naging caller niya ay si Hwang Jeong-Nam. Single mother ito na humihingi ng payo kung kailangan ba niyang puntahan at magpakilala sa kanyang tatay. Pinayuhan niya ito not knowing na siya pala ang ama na tinutukoy nito.

Dumating Si Jeong-nam na ang tunay na pangalan ay Jae-in kasama ang anak niya na si Hwang Ki-dong (Wang Seok-Hyeon) sa bahay niya. Di n’ya matanggap na may anak na siya kaya para makasiguro nagpa-DNA blood test sila at lumabas na siya nga ang ama nito. Wala siyang nagawa kundi patirahin ito sa kasama niya. Iningatan niyang hindi malaman ng media and tungkol sa kanyang anak dahil sa ayaw niyang magka-scandal.

Naging popular sa kanyang radio program ang tungkol sa buhay ni Jae-in at dahil dito gumawa siya ng update tungkol sa nangyayari sa kanyang anak para makakuha ng magandang rating. Magaling kumanta si Jae-in at sumali siya sa isang radio contest kung saan DJ si Hyeon-soo. Noong una ay tinutulan niya itong sumali ngunit sa huli ay natutunan n’ya ring alalahanin at mahalin ang dalawa.

Si Hyeon-soo na rin ang tumayong guardian nung dalawa at dahil sa paghahatid niya kay Ki-dong sa school ay nakilala niya ang teacher nito kung saan naging love interest niya. Sa kalagitnaan ay nag-away silang mag-ama at naglayas sila Jae-in isang dahilan ang pagtutol sa pagsali sa contest. Pero ginamit ni Hyeon-soo ang radio program para iparating kay Jae-in na nabigla lang siguro ang papa niya at hindi nito sinasadya ang nangyari at pinauuwi na niya ito.

Ngunit sa mismong grand finals…nawala si Ki-dong at humingi ng si Jae-in ng tulong kay Hyeon-soo habang nagsasalita ito sa stage. Tinawag niya itong ‘papa’ na ipinagkaila naman ni Hyeon-soo nung una dahil sa ayaw nga niyang magkaroon ng scandal. Ngunit nang makita niyang kinakaladkad na ng mga security guard si Jae-in ay hindi niya natiis at tinulungan n’ya.

Sa araw ng kanilang press conference para linawin ang scandal. Magsisimula pa lang ito ay nabaling na ang attention ng mga tao sa ibang artista. Ito ay dahilan kung bakit Speedy Scandal ang pamagat…dahil bago pa lang magsisimula ang scandal sa buhay ni Hyeon-soo ay natabunan na ito ng iba pang scandal sa ibang artista.

Na-enjoy ko ang kabuuan ng movie. Ngustuhan ko ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari at maging ang mga eksena about sa Father and daughter. Magaling ang pag-arte nila Cha Tae-hyun at Park Bo-young parang natural lang. I also like the part that Bo-young sing and the last part kung saan the whole family sing ‘Walking on Sunshine.’

(While watching it…I was thinking about my father. Well, isa sa masarap gawin ang tumugtog ng gitara with your father. )
I love her voice...she's great!
 I never thought it would be a family oriented movie…dahil sa pamagat nito.  Gusto ko ang values na inilagay sa loob ng story…ang pagkakaroon ng pakialam sa kapwa mo…lalo na kung kapamilya mo. Matutong pahalagahan ang mga taong nakapaligid sa atin.
this is really funny...LOL..
 Hindi na ako magtataka kung bakit naging box office hit ang pelikulang ito dahil sulit na sa tawanan, may magandang bagay din ipinababatid sa mga manonood. Another great movie of Cha Tae-hyun.

Saturday, February 12, 2011

Struck by Windstruck


 ‘Let me introduce you to my girlfriend.’-Go Myung-woo
I love Jun Ji-hyun in the movie My Sassy Girl and I’m loving her more after watching Windstruck which was said to be the prequel of My Sassy girl.

Since I started this blog as my outlet of expressing and sharing my favorite movies and series, I want to share the movies that give me reason to love Asian movies.

Bukod kasi sa My Sassy Girl which I’ve already shared…I also Love Windstruck. Na-released ito noong 2004 sa South Korea, also directed by Kwak Jae-yong the same director of My Sassy Girl.

Hindi ko na matandaan kung ilang beses ko na itong pinanood pero sa tuwing pinanonood ko ito...hindi ko mapigilan ang aking mga luha. Hindi naman ito heavy drama pero I always end up wiping tears on my face.
 Tungkol ito sa kakaibang relasyon nina kay Officer Yeo Kyung-jin (Jun Ji-hyun) at Go Myung-woo (Jang Hyuk). Nagkakilala sila dahil sa isang snatcher na inakala ni Kyung-jin na si Myung-woo. Kakaibang babaeng pulis si Kyung-jin. Palaban at walang kinakatakutan samantalang isang Physic teacher ng all-girls school si Myung-woo.

Dalawang beses niya itong dinala sa headquarter pero nahuli ang totoong suspek at si Myung-woo ang humahabol dito bago pa siya hinuli ni Kyung-jin. Labis na ikinainis ni Myung-woo na hindi man lang ito humingi ng sorry at sa sinabi ni Kyung-jin na kung gusto raw nitong marinig ang salitang ‘sorry’ ay palitan n’ya muna ang pangalan niya ng ‘Sorry.’

Muli silang nagkita dahil sa naging escort ni Myung-woo si Kyung-jin sa pag-iikot sa isa sa delekadong district dahil sa balitang maraming high school students ang nagpupunta doon. Nauwi ang ikot nila ng makialam si Kyung-jin kasama si  Myung-woo na ipinosas niya sa kanya sa meeting ng mga Russian Mafia at Korean Gangster.

Simula noon ay lagi na silang magkasama hanggang anyayahan ni Myung-woo si Kyung-jin na magpunta sa countryside. Nabanggit ni Myung-woo habang sila’y nasa ibabaw ng bundok na kung sakaling mamamatay siya ay gusto niyang bumalik bilang hangin. Ikinuwento naman ni Kyung-jin ang tale tungkol sa pakikipag-bond ng pinky finger kapag nagpa-promise. Sa kanilang pagbabalik, muntik na mamamatay si Myung-woo sa automobile accident ngunit na-save siya ni Kyung-jin.

Mula sa pagiging nakatutuwang simula hanggang kalagitnaan nabago ito nang mabaril si Myung-woo ng isang pulis habang sinusundan niya si Kyung-jin na may hinahabol na kriminal. Inakala ni Kyung-jin na siya ang nakapatay dito kung kaya’t sobrang depression ang nangyari sa kanya na umabot sa paulit-ulit na pagpapakamatay na lagi naman siyang napipigilan o kaya’y naliligtas.

Nagpaparamdam ito sa pamamagitan ng hangin. Nagpakita rin si Myung-woo sa panaginip ni Kyung-jin nang muntik na siyang mamatay dahil sa nabaril siya ng criminal na dahilan ng pagkamatay ni Myung-woo. Sinabi niya kay Kyung-jin na magpatuloy sa buhay at wag mawalan ng pag-asa.

Nagpakita din si Myung-woo bago pumunta sa kabilang buhay at sinabi na kapag narinig niya ang bulong niya mula sa hangin ibig sabihin makikilala niya ang lalaking katulad ng n’ya. Sa Police station, may nagbalik sa book na naiwan ni Myung-woo mula sa restaurant na dapat sanang meeting place nila ni Kyung-jin n’ung araw na namatay ito. Narinig ni Kyung-jin ang boses ni Myung-woo kung kaya’t hinabol ni Kyung-jin ang nagsauli ng libro na ginampanan ni Cha Tae-hyun na nakita niya sa train station (kung saan doon nag-meet silang dalawa sa My Sassy Girl).

Pinatawa muna ako ng pelikulang ito bago ako pina-iyak ng pina-iyak. Nagustuhan ko ang kabuuang kwento kahit pa sabihing may pagka-fantasy ang kalahating part nito. Naramdaman ko ang pangungulila ni Kyung-jin and I just felt na mahirap talaga ang pinagdaanan n’ya lalo na’t inakala niyang siya ang nakabaril sa kanyang bf.

Maganda ang simula, bagay ang Knockin’ on Heaven’s Door na isa sa mga nakaakit sa akin para panoorin ang kabuuan nito. Maganda rin ang mga scenery na pinakita lalo na ‘yung nagpunta sila sa countryside. Nakaka-touch din ang ginawa ni Myung-woo sa piano ni Kyung-jin dahil sa hindi n’ya tinutugtog ang mga black keys nito kung kaya’t kinulayan niya ito ng puti.

May mga nagsasabing mas maganda pa rin ang My Sassy Girl pero pareho lang namang maganda. Kung susuriin kasi ang kabuuan ng Windstruck lumalabas na ito ang prequel ng MSG dahil sa mga character at ang ending ay siyang naman simula nito.

Sa dalawang pelikula ni Kwak Jae-yong, masasabing mas puno ng damdamin  at mas maaksyon ang Windstruck compared sa MSG na mas maraming happy moments at mas magaan ang bawat scene because I cried so much in Windstruck. I also love the soundtrack of this film especially ‘Tears’ by X-Japan.


Thursday, February 3, 2011

Talking About My Sassy Girl

Destiny is building bridges to the one you love…
-lines from My Sassy Girl

Year 2001 nang ma-release ang My Sassy Girl na based sa true story na nasulat sa blog ni Kim Ho-sik. Ito ay isang romantic comedy film na mula sa South Korea sa direksyon ni Kwak Jae-yong.

Lagpas na sa daliri ng aking kamay at paa ang beses na napanood ko ang pelikulang ito-Korean Version…kung saan gan’on din kadaming beses akong umiyak sa kwento nito. Kaya naman ng malaman kong merong US version biglang nabuo ang tanong sa isip ko na … kasing ganda kaya ito ng original?

Ginusto kong mapanood ang US version dahil curious ako. Curious dahil sa gusto kong malaman kung maganda ba ang pagkakagawa nito. Sa tagal na ng panahon na ipinalabas ito sa sinehan dito sa atin ay hindi ko pa rin ito napapanood ng buo…’yung iba sa youtube ko lang napanood…pero I’m so lucky enough na napanood ko din ito sa wakas sa tulong ng mga kapatid ko.:)

Year 2008 nang i-remake ng US ang pelikulang ito sa direksyon ni Yann Samuell. It was based from the original story pero may mga nabago at may kissing scene sa huli kung saan hoping ako na wala.

I fell in love with the movie simula ng napanood ko ito 2002…tapos ipinalabas din ito dito sa Pilipinas dubbed in Filipino ‘yun nga lang may mga cut.

Maganda ang story, interesting ang simula at may kakaibang dating ang bawat eksena. Sa unahan, nakakaaliw dahil sa mga kakaibang trip nung girl na ginampanan ni Jun Ji-hyun. Sa kabuuan ng film hindi nabanggit ang pangalan niya kaya GIRL ang tawag ni Gweon Woo (Cha Tae-hyun) kung saan siya ang narrator.

Nakilala kasi ni Gweon Woo ‘yung girl sa train station kung saan muntik itong mahagip ng paparating na train. Lasing kasi 'yung babae at pagewang-gewang na kung tumayo at dahil sa sobrang kalasingan nito ay nagsuka at natumba ito sa loob ng train. Tinawag siya nitong Honey na inakala ng lahat na siya ang boyfriend nito. Ayaw niya na sanang pakialaman ang babae matapos niyang maibaba ng train pero ang ending dinala niya ito sa isang motel dahil di niya alam ang bahay nito.

Simula noon ay madalas na silang magkita at kung anu-ano ang pinagawa ng babae kay Gweon Woo tulad ng pagsusuot ng high heels, pagpapabasa sa mga sinulat nitong mga kwento na ang mga bida ay galing sa future, pagtalon sa dagat para alamin kung malalim ito, paghahanda para sa birthday nito at ang pagbibigay ng red rose sa oras ng recital nito sa all girls school na talaga naman nakakakilig.

Isa sa mga eksenang nagustuhan ko ay ang part kung saan pinapunta nung girl si Gweon Woo sa restaurant kung saan may ka-date itong ibang lalaki. Dito inisa-isa niya sa ka-date nito ang 10 rules na dapat tandaan kapag kasama ang girl. Emotional ang eksena dahil sinabi niya ito ng nasa CR 'yung girl at pagbalik nito ay nakaalis na siya pero sinundan siya nito patungo sa train station na background music ang I believe na OST ng movie.

Sa huli, nalaman ni Gweon Woo na namatay pala ang boyfriend nito na nung una ay sinabi lang nung girl na nagbreak sila. Hindi sila nagkita ng two years dahil iyon ang gusto nung girl para maka-move on at para subukang makalimutan ang boyfriend niyang namatay. Sa araw na sinabi nung girl na sila ay magkita ay hindi ito dumating. Pero muli silang nagkita dahil sa kanyang Tita na namatayan ng anak two years ago. Matagal na siyang gustong makita ng kanyang tita dahil sa may ipapakilala itong babae sa kanya na walang iba kundi ‘yung girl.

Nakakakilig ang kabuuan ng movie. Nakakatawa at kakaiba. Nagustuhan ko ang character ni Gweon Woo at napa-isip ako kung may ganoon pa kayang lalaki sa ngayon. Nakaramdam ako ng kilig kahit walang kissing scene. Maganda ang cinematography. Magaling ang mga gumanap. I like it so much.

Halos ganoon din ang takbo ng US version ng My Sassy Girl. Iyon nga lang hindi sa loob ng train naganap kundi sa waiting area. Hindi rin dinala sa motel ‘yung girl kundi sa bahay ng kaibigan ng bidang lalaki. At hindi rin sila umakyat ng bundok para magbaon ng time capsule na pinaglagyan nila ng kanilang letter.

Sa isang banda, mas nakita kong realistic ang US version kaysa sa original lalo na sa part na kailangan sumigaw ng girl na nasa malayo ‘yung guy. Sa original kasi pinapunta nung girl si Gweon Woo sa kabilang bundok samantalang sa US version sa isang mahabang daan at may kissing scene sa ending!

Noong una, I felt na hindi maganda ang US version ng pelikulang ito pero masyado lang yata akong naging negative…(dahil I always go for the original) kaya naman matapos kong mapanood ang US version…nabura ang hindi masyadong magandang impression ko sa remake na ito. Hindi ko pala dapat hanapin ‘yung style ng Korean sa US version dahil magkaiba sila.









Pero kung pipili ako sa dalawa…mas gusto ko ang original..syempre… J